INAASAHANG magtatagal pa ang ipinapatupad na home quarantine bunga ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Kanya-kanyang paraan ng paglilibang ang mga tao habang naka-quarantine. Mayroong naglalaro ng video games, patok din sa social media tulad ng Facebook ang iba’t ibang ipinagagawang challenges na pagpo-post ng larawan ng ganito at ganoon, maging ang paggawa ng memes ng mga sikat na personalidad sa bansa ay naging libangan na rin at siyempre ang patok na TikTok.
Ang tropa ni IBF junior bantamweight champion Jerwin Ancajas na naka-quarantine sa kanilang Survival Camp sa Magallanes, Cavite ang pagtatanim ang naging pampalipas-oras.
Ayon kay Joven Jimenez, manager-trainer ni Ancajas, dahil malawak ang lupain na nakapalibot sa kanilang training camp, minabuti nilang magtanim ng mga gulay at bulaklak.
“May pechay, talong at halos lahat ng gulay itinanim namin dito,” sambit ni Jimenez. “Pinaikot naming ung mga tanim sa buong camp."
Nagsimula ang kanilang pagtatanim nang simulan din ang pagla-lockdown sa iba’t ibang lugar sa Luzon.
“Naging busy kami sa kakatanim mula noong mag-lockdown, mahigit two weeks na rin,” lahad pa ni Jimenez.
At para saan ang kanilang mga itinanim?
“Yong mga tinatanim po namin ay para sa amin at matuto rin kami kung paano ba ang magtanim. Masaya rin po pala mag-farming. Nakakaaliw, kanya-kanya po kami ni Jerwin at iba pang boxer ng tanim,” natutuwang pahayag ni Jimenez.
Una rito, mag-iisang taon na rin silang nag-aalaga ng manok, baboy at kambing.
“Nnapapakinabangan na namin ngayon,” litanya ni Jimenez.
Pero, kahit abala sa pagtatanim, tuloy-tuloy pa rin ang training ni Ancajas, ayon kay Jimenez.
“Ang mitts niya nasa 4-6 rounds, low intensity lang. Wala pang sparring, pero baka next week mag-start na rin (sparring),” paliwanag ni Jimenez.
Bago magdeklara ng lockdown, si Ancajas, 28 at tubong Panalo, Davao City, ay naghahanda para sa kanyang ninth defense ng IBF crown laban kay Jonathen Javier Rodriguez ng Mexico sa Abril 11 sa Cosmopolitan Resort & Casino sa Las Vegas.
[ArticleReco:{"articles":["101075","100976","100882","97393"], "widget":"More from spin"}]
Ikinalungkot ni Ancajas ang nagaganap na lockdown, bunga na rin ng epekto nito sa mga kababayan dito sa Pilipinas at maging sa ibang bansa, na nahihirapan dahil sa kakapusan sa buhay.
Gayunpaman, tuloy pa rin ang paghahanda niya sa kanyang susunod na title defense dahil pangarap niyang makalaban sa Las Vegas.
“Pangarap ko talaga makalaban sa Las Vegas, kaya focus pa rin kami sa training. May lockdown o wala, lagi naman akong lockdown sa training,” lahad ni Ancajas.
Unang pagkakataong lalaban si Ancajas, 32-1-2 (22 KOs) sa Las Vegas. Ang kanyang mga naunang title defense ay ginanap sa Macau, Australia, Ireland, California (Fresno, Oakland at Stockton) at Mexico.
“Basta kami po, focus lang palagi, kahit gaano kahirap isipin ‘yung nangyayari ngayon. Palagi lang manalangin sa Panginoon na malagpasan po natin ang problema ngayon,” lahad ni Jimenez.
“Pag tungkol naman sa training, palagi kami naka-lockdown, kasi sa ganitong paraan kami pinapalad sa laban, laging seryoso ang paghahanda namin para maganda ang resulta,” pagtatapos niya.
Source: Spin PH
0 comments: