Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na kakasuhan ang sinumang local government official na susuway sa mga ipinatutupad na enhanced community quarantine guidelines kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ang binigyang-diin ng Presidente sa kanyang public address para sa local officials, pasado ala-una ng madaling-araw ngayong Biyernes, March 20.
Giit ng Presidente, dahil "emergency of national proportions" ang COVID-19 pandemic, dapat national government ang nagtatakda ng mga patakaran sa pagpapatupad ng lockdown.
Ang quarantine guidelines na ipinatutupad sa Luzon simula nitong Martes, March 17, ay binuo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Kabilang sa mga ito ang work suspension, pagpapasara sa maraming establisimyento, at pagbabawal sa lahat ng pampublikong transportasyon.
"HUWAG KANG MAGBIYAHE NANG SARILI MO"
"If you go beyond the standards that we have set, you are abusing your authority, and you know that it can lead to administrative cases, or even worse-unless you stop what you are doing-criminal cases cannot be far behind," anang Presidente.
Sinabi ni Pangulong Duterte na inatasan na niya ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Justice (DOJ) para magsagawa ng masusing monitoring kung nakatutupad ang local government officials sa quarantine guidelines.
Sakaling may mapatunayang pasaway na local officials, sinabi ng Presidente na may go-signal niya ang pagsasampa ng kaso ng DILG at DOJ laban sa mga ito.
"Do not try to overdo things or think that you can do what you want to do, because that is not allowed.
"We move in one direction precisely to place the contagion in control."
Diin pa ng Pangulo: "Huwag kang magbiyahe nang sarili mo.
"Isa lang... sa gobyerno lang."
Ayon sa Presidente, mahalagang nagkakaisa ang gobyerno sa pagpapatupad ng enhanced quarantine sa ngayon.
Aniya, social distancing ang pinakamainam na paraan upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19 sa bansa.
Sa huli, nanawagan si Pangulong Duterte sa local government officials: "Implement the lockdowns and save our people from the dreaded disease once and for all."
IS IT MAYOR VICO?
Sa buong public address ng Presidente, wala siyang binanggit na pangalan ng opisyal, o sinuman na maaaring pinatutungkulan niya sa kanyang babala.
Pero sa nakalipas na mga araw, trending sa social media si Pasig City Mayor Vico Sotto dahil sa mga ginagawa niya upang protektahan sa virus ang kanyang constituents.
Matapos bumili ng MG-1P drones para ma-disinfect ang iba't ibang lugar sa Pasig, tiniyak ng 30-anyos na alkalde na magtutuluy-tuloy ang suweldo ng mga empleyado ng lungsod kahit na naka-home quarantine ang mga ito.
MAYOR ASKED TO "STICK TO GROUND RULES"
Gayunman, ang pagpapahintulot niyang makabiyahe sa Pasig ang mga tricycle ang gumawa ng kontrobersiya para sa binatang alkalde.
Pinayagan ni Mayor Vico ang pamamasada ng mga tricycle upang may makapagsakay sa healthcare frontliners, na exempted sa quarantine at kinakailangang magtrabaho.
Nakiusap pa siya sa national government na payagan ang mga tricycle sa Pasig upang may masakyan ang mga nangangailangan ng transportasyon.
Pero kinontra siya ni Cabinet Secretary Karlo Nograles at sinabihang "to stick to common ground rules."
Sa isang television interview nitong Huwebes ng gabi, March 19, sinabi ni Mayor Vico na ihihinto na ang pamamasada ng mga tricycle sa Pasig, alinsunod sa quarantine guidelines.
Source: Spin PH
0 comments: