Monday, March 30, 2020

Speaking from experience, Pacman has advice for newlywed Matteo Guidicelli

"Parehong-pareho talaga. Nagpakasal kami ni Jinkee, wala yung magulang ko kasi ayaw niya kay Jinkee." 

Ito ang tinuran ni Senator Manny Pacquiao nang manghingi ng marital advice si Matteo Guidicelli sa kanya. 

Nagkausap sina Manny at Matteo noong Linggo ng gabi, March 29, sa Facebook Live ng "One Voice Pilipinas" fundraiser para sa mga apektado ng COVID-19. 

Diretsahang inihalintulad ni Manny sa karanasan nila ng asawang si Jinkee Pacquiao ang pagsubok na hinaharap ngayon ng newlyweds na sina Matteo at Sarah Geronimo. 

Hindi tuwirang binanggit ng athlete-politician ang pangalan ng mga magulang ni Sarah na sina Divine at Delfin Geronimo. 

Pero malinaw na nakarating kay Manny ang balitang tutol ang mga magulang ni Sarah sa pagpapakasal ng singer-actress kay Matteo. 

Sa kaso ni Manny, ang ina niyang si Dionisia Pacquiao, o Mommy D, ang mahigpit na tumutol noon sa pagpapasakal ng boksingero kay Jinkee. 

"What happened to you now, that's my experience. It happened to us, kami ni Jinkee before," ani Manny. 

Tulad ng kina Sarah at Matteo, simple lang din daw ang naging selebrasyon ng kasal nina Manny at Jinkee 22 years ago.

Ayon kay Manny, "Yung magulang lang ni Jinkee ang nandoon. Nandoon mga relatives niya.

"Ang kasama ko, yung kapatid ko, isa. Wala na.

"Ayaw ng mama ko kay Jinkee noong araw pa."

TIME HEALS ALL WOUNDS

Pero hindi raw hinayaan ni Manny na magkasira sila ng kanyang ina.  

Sinikap daw nila ni Jinkee na mapalapit si Jinkee kay Mommy D, kahit hindi maganda ang pakikitungo ng ina kay Jinkee. 

Kuwento pa ni Manny, "Pero, later on nung nakita niya na masaya kaming pamilya, at nagkaroon na siya ng apo, yun.

"Unti-unti na niyang naintindihan na kailangan palang suportahan ang anak para maging masaya at maging masaya din ang magiging lola. 

"Nakita niya na masaya ang pamilya namin.

"Ta's tinutulungan namin siya-kahit na hindi niya kami sinipot, nagagalit siya sa amin, nagagalit siya kay Jinkee, sa akin.

"E, we still love our mother and father, na maintindihan sana nila."

Pagpapatuloy ng senador na unang nakilala bilang Pambansang Kamao, "Later on, maintindihan naman nila na hindi naman sa habang buhay laging nandiyan sa poder nila ako nakatira, kami nakatira.

"Later on, maiintindihan din."

Nagpahiwatig din si Manny na tulad ng pinagdaanan nila ni Jinkee ay hihilumin ng panahon kung anumang sugat ang dulot ng pagtutol ng mga magulang ni Sarah kay Matteo. 

Payo pa ni Manny, "Huwag lang natin awayin yung magulang natin." 

Bilang pagsang-ayon sa payo ni Manny, singit ni Matteo, "Tama." 

Patuloy ni Manny, "Kasi sa ayaw at sa gusto natin, iisa lang ang magulang natin.

"Kapag sila nawala, mahirap yun.

"Hindi ko rin naman sinasabi na maka-Mama ako, na Mama's Boy ako.

"That's our responsiblity. We should love our parents." 

MATTEO'S REALIZATION

Sa puntong ito ay sumingit ulit si Matteo upang sabihing mataman niyang pinakikinggan ang payo ng senator-boxing champ.

"Amen, that's very true.

"I'm taking into account every single word na galing kay Sir Manny. Daghang salamat.

"I feel like, also, Senator Manny, sa mga panahon na ito ba, it makes us realize how precious life is, how precious relationships are, how precious everything is.

"Yung mga single relationship natin sa mama, papa, kapatid natin, importante sabihin 'Ma, Pa, I love you. Salamat sa iyo sa tanan.'"

Sabi naman ni Manny, siya man ay hindi nahihiyang iparamdam ang pagmamahal sa mga kapamilya. 

"Palagi ako nag-'I love you' you sa mama ko, sa mga magulang ko, sa mga kapatid ko, sa asawa ko.

"Sa magandang sitwasyon man o hindi magandang sitwasyon, palagi akong nag-'I love you' sa kanila.

"Kasi, hindi natin alam ang buhay, e. Mamaya wala na tayo, bukas wala na tayo...

"So, at least we say I love you to our loved ones." 

Parehong Bisaya sina Manny at Matteo-si Manny ay taga-General Santos City at si Matteo ay tubong-Cebu.

NO ROOM FOR PRIDE IN MARRIAGE

Sa huli, tinanong ni Manny kung gaano na katagal kasal sina Matteo, 30,  at Sarah, 31.

Sumagot si Matteo ng "one month." 

Saka sinabi ni Manny na marami pang ibang pagsubok na pagdaraanan ang newlywed couple. 

"In my experience with my wife-41 years old na kami ngayon-nag-asawa kami 19 kami pareho.

"In our 22 years [of marriage], sa experience namin sa buhay, it's like more than that, it's like 50 years na kami mag-asawa.

"There's a lot of trials, temptation in relationship, in your family..." 

Pinayuhan din ni Manny si Matteo na iwasan nila ni Sarah ang pagiging ma-pride kung mayroon silang hindi unawaan. 

"Kasi dapat maintindihan ng husband kung anong posisyon niya, maintindihan ng wife kung ano'ng pagiging wife niya. 

"Kapag magkakaroon ng overlapping 'yan at hindi magkakaintindihan, kanya-kanyang pataasan, hindi sila nagkakaintindihan, sasabog na.

"So, teamwork talaga palagi."

Dapat ay magbigayan din daw ang mag-asawa pagdating sa decision-making. 

Sabi ni Manny, "Balancing lang. Intindihan mabuti.

"Kami ng asawa ko, hindi kami nag-aaway. Nag-uusap kami palagi, ganun lang.

"Maraming mga pagsubok na madadaanan. You will remember me. Mark my word." 

ON KEEPING THE FAITH

Sa huli, nagkomento si Matteo na malaking bagay ang pananalig sa Diyos para malampasan ang mga pagsubok sa buhay mag-asawa.  

Ani ng aktor at reservist, "You proved it, that God has to be at the center of relationship. God will make everything work out." 

Sang-ayon dito si Manny.

Pahayag ng senador, "Marriage is designed by God. Importante nandiyan ang Panginoon palagi.

"Kasi kung wala ang Panginoon, ang misyon ng Devil ay paghiwalayin ang mag-asawa.

"Ang devil, ang misyon niya paghiwalayin, pag-away-awayin ang mga tao." 

Sabi pa ni Manny, handa siyang magbigay ng counsel kina Matteo at Sarah sa oras na kailanganin siya ng mga ito.

"But anything I can help or I can advice before you make a decision, you can call me anytime.

"You can ask me for advice or guidance, biblically, spiritually, I can do that.

"Ayoko talaga yung pamilya na mawasak o maghiwalay." 

Sagot naman ni Matteo, "I will never forget that invitation Sir Manny, ha? I promise I will call you.

"I'd love to let Sarah meet you and talk to you, how your faith has grown over the years." 

Sabi ni Manny, "Yeah, anytime." 

SARAH AND MATTEO'S CONTROVERSIAL WEDDING

Noong February 20, 2020, lihim na nagpakasal sina Sarah at Matteo sa isang simpleng Christian service. 

Tanging immediate family ni Matteo at ilang piling kaibigan ang nakasaksi nito. 

Hindi imbitado si Divine-Mommy Divine kung tawagin sa showbiz circles-ang asawa nitong si Delfin at mga kapatid ni Sarah.

Pero sumugod si Mommy Divine sa venue ng reception at mariing inihayag ang pagtutol kay Matteo para kay Sarah. 

Lumabas din ang balitang nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ni Matteo at ng bodyguard ni Sarah. 

Sa bersiyon ng bodyguard na si Jerry Tamara, sinapak siya sa leeg ni Matteo nang tangkang sundan niya si Sarah na noo'y paalis na ng venue. 

Mariin itong pinabulaanan ni Matteo. 

Lumantad bilang witness ang relationship counselor nina Sarah at Matteo na si Letty Fuentes. 

Sa bersiyon ni Fuentes, nagtangka umano si Mommy Divine na sampalin si Matteo, pero napigilan ito ni Sarah. 

Hindi malinaw kung mayroon nang komunikasyon sa pagitan ni Sarah at kanyang mga magulang, dahil hanggang sa kasalukuyan ay tikom ang bibig ng singer-actress sa isyu. 

Sabi naman ni Matteo sa kanyang Instagram post noong February 26, "In time, with God's grace and Love, everything will heal and fall into place.

"We are happy, we are blessed, and we are husband and wife!"

Source: Spin PH

Related Posts:

0 comments: