Friday, August 4, 2017

Nagpakilalang 'hitman' ng mga Parojinog, ibinunyag ang umano'y krimen ng pamilya

Isang nagpakilalang "hitman" ng mga Parojinog ang nag-ugnay sa pamilya sa iba't ibang krimen tulad ng bank robbery, pagpatay at illegal drug operations, ayon sa ulat ni Rida Reyes sa Balitanghali nitong Biyernes.


Sa ulat, isinalaysay ni 'Ronald' na 17-anyos pa lamang siya nang isama na siya ni Mayor Reynaldo Parojinog Sr. ng Ozamiz City sa Misamis Occidental sa grupong kanyang binuo para magnakaw sa mga bangko.
"Marami na kaming mga nira-robbery sa Maynila tapos umuwi kami dito sa Mindanao. Dito na kami nagparte-parte ng mga kinuha naming pera sa bangko. Mga milyon pero maliit lang parte naming lahat. 'Yung ibang kasamahan ko, bago magparte, namamatay din kasi bawal ka magreklamo kung ilan ang parte mo," ani Ronald.

Panoorin ang video:

Ayon pa sa ulat, nagmula ang splinter group ni Ronald sa orihinal na Kuratong Baleleng group na binuo ng gobyerno noong dekada 80s para labanan ang mga rebeldeng grupo. Nang buwagin ang Kuratong Baleleng, nagtayo ang ama ni Mayor Parojinog na si Octavio Parojinog Sr. ng isang grupo. 
Ani Ronald, dati na siyang pinagkatiwalaan ng kapatid ng alkalde na si Ricardo Parojinog sa pag-aangkat ng ilegal na droga mula Maynila papuntang Ozamiz. Dagdag pa niya, ang misis ni Mayor Parojinog na si Susan ang nangangasiwa sa partihan ng kita sa droga.
"Siya lang ang magpoprotekta kasi mayor siya, bawal - kaya du'n kay ma'am Susan pupunta 'yung droga."
Nagkwento pa si Ronald na direkta rin siyang tinatawagan ng mga Parojinog kapag may gusto silang patumbahin.
"Pumatay ako. Lumipas ang tatlong araw, dalawang araw, papatay na naman agad. Patayin din kami 'pag hindi kami sumunod sa utos nila," aniya.
Pag-aamin ni Ronald, malaking pera ang kanyang kinikita kung saan P200,000 ang kanyang komisyon sa bawat bangkong hino-holdup.
Bukod pa rito, meron siyang karagdagang P20,000 kada may itutumba siyang tao, at P150,000 komisyon mula sa drug operations umano ng pamilya.
"Kapag mayroon kang sasandalan o pupuntahan na gobyerno na dapat mong hingian ng tulong o magbago ka na, ibibigay ka rin, mamamatay ka rin," saad ni Ronald.
Sinabi ni Ronald na nabunutan daw siya ng tinik sa dibdib nang mabalitaan ang nangyaring raid sa mga Parojinog nitong Linggo.
"Nabunutan kami noon, hindi lang ako, maraming tao. Mabigat pa rin, kasi madami nang buhay ang inutang [nila]. Panginoon na lang ang inasahan ko [tutulong] sa pagbabagong buhay ko."
Ngunit pinabulaanan ng pamilya ng mga Parojinog ang mga alegasyon ni Ronald.
"Walang grupo ang Parojinog, walang grupong Ozamiz group, wala 'yan. 'Yan ang totoo. Sa mga tao lang 'yan, gawa-gawa lang nila," ayon kay Rizalina Francisco, kaanak ng mga Parojinog.


"Justice lang ang hinihingi ko, sir," dagdag ni Francisco.
Sa pag-iimbestiga ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) sa isinagawang raid sa mga tahanan ng mga Parojinog kung saan namatay si Mayor Parojinog at 15 iba pa, binalikan nila ang bahay ng alkalde at kinausap ang mga kapitbahay na posibleng nakasaksi.
Ayon kay Senior Superintendent Gerry Galvan ng PNP-IAS Region 10, tinitignan nila kung tama ang pag-serve ng search warrant at kung sumunod ang raid sa police operational procedure.
Nanawagan naman ang hepe ng Ozamiz Police na si Chief Inspector Jovie Espenido kay Ricardo "Ardot" Parojinog, kapatid ni Reynaldo Sr., na huwag nang umalis patungong Singapore.
"Huwag ka na lang maglayas ng Singapore, Arnold. Bumalik ka na lang dito. Magbagong buhay ba."
Kasama sa raid ang bahay ni Ardot Parojinog noong Linggo, kung saan ilang mataas na kalibre ng armas at pampasabog ang narekober, ngunit hindi natagpuan ang board member.
Sa Senado, naghain ng resolusyon si Senator Leila de Lima para imbestigahan ang nangyari.
Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sinusuportahan niya ang ang mga pulis na nagkasa ng operasyon laban sa mga Parojinog

0 comments: